MANILA, Philippines - Pinapayuhan ng PAGASA ang mga residente sa Mindanao na maging listo at ugaliing mapagmasid sa paligid dahil sa banta ng flashfloods at landslides sa ilang bahagi ng Mindanao dulot ng mga pag-uulan na epekto ng inter-tropical convergence zone.
Alas-11 ng umaga kahapon, ang ITCZ ay patuloy na nakakaapekto sa ibat ibang panig ng bansa at patuloy na magdadala ng mga kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat.
Ang pag-ulan at pagkidlat ay magiging malawakan sa silangang bahagi ng Mindanao gayundin sa Pagadian City. Manaka-nakang pag-ulan naman sa bahagi ng Davao Oriental at tikatik na pag-ulan sa Surigao del Sur at Agusan del Sur gayundin sa Butuan City at Bayugan sa Agusan del Sur; Tandag at Tago sa Surigao del Sur.