MANILA, Philippines - Inaanyayahan ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang mga residenteng naghahanap ng mapapasukang trabaho na dumalo sa gaganaping job fair sa darating na August 24 at September 1.
Ayon kay Echiverri, sa August 24 ng taong kasalukuyan ay muling magkakaroon ng job fair local and abroad sa harapan ng city hall main na magsisimula dakong alas 8:00 ng umaga at matatapos bandang alas 4:00 ng hapon.
Samantala, sa September 1 naman ay magkakaroon din ng parehas na job fair sa harapan ng city hall north na sisimulan din at magtatapos sa parehong oras para naman sa mga naninirahan sa Caloocan City North.
Bukod sa mayor’s office ay magiging punong abala rin sa gaganaping job fair ang Labor Industrial Relation Office (LIRO) na isa sa mga nakipag-ugnayan sa mga employers at agency na nangangailangan ng mga empleyado.
Pinayuhan din ni Echiverri ang mga nagnanais na dumalo sa gaganaping job fair na magdala lamang ng mga kinakailangang requirements tulad ng bio-data, ID pictures, barangay clearance, credentials at iba pang dokumento tulad ng passport para sa mga gustong magtrabaho sa ibang bansa.
Kabilang sa mga hinahanap na posisyon sa gaganaping job fair ay ang accountant, secretary, sales clerk, welder, waiter/waitress, cook, janitor/janitress, engineer, encoder, bagger, machine operator, service crew, kitchen staff, call center agent, graphic artist, promodizer, automotive mechanic, stockman, factory worker, driver, domestic helper at iba pa.