Early voting sa media aprub sa House
MANILA, Philippines - Pinapayagan nang makaboto ng mas maaga ang mga kwalipikadong miyembro ng media upang magampanan ang kanilang mga trabaho sa araw ng eleksyon.
Ito’y matapos aprubahan sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill 4241 na ipinanukala nina Reps. Marcelino Teodoro (1st District, Marikina City) at Teddy Casiño (Party-list, Bayan Muna), na naglalayon na makaboto ang miyembro ng media habang office hours sa loob ng 14-working day ng eleksyon sa mga tanggapan ng Municipal o City Election Registrar kung saan sila nakarehistro.
Sa ilalim ng panukalang batas, hindi lamang ang miyembro ng media ang maaring makaboto ng maaga kundi maging ang mga tao na nagseserbisyo publiko sa mismong araw ng eleksyon.
Paliwanag ni Teodoro, kalimitan napagkakaitan ng karapatan ang media practitioners upang makaboto dahil sa kakulangan ng oportunidad dahil sa uri ng kanilang trabaho at bunsod na rin sa malayo ang lugar ng kanilang coverage at kung saan sila nakarehistro
Nakasaad pa sa panukala na 30-araw bago ang eleksyon, ang opisyal ng isang media establishment ay dapat magsumite sa Commission on Election ng listahan ng kanilang mga miyembro na malayong maitatalaga sa kanilang polling precinct at hindi makakaboto sa mismong araw ng eleksyon subalit nagnanais na makaboto.
Dapat namang lumagda sa application form para sa early voting ang media practitioners matapos itong maberipika ng Comelec bilang registered voters.
- Latest
- Trending