DILG tumatanggap na ng nominasyon sa ARMM
MANILA, Philippines - Tumatanggap na ng nominasyon o aplikasyon ang Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa mga nagnanais na maging officer-in-charge sa ilang posisyon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Sinabi ni DILG Secretary Jesse M. Robredo ilan sa mga mapagpipiliang puwesto bilang OIC ay kinabibilangan ng regional governor, regional vice governor at 24 na miyembro ng regional legislative assembly.
Ayon kay Robredo, ang bawat aplikante o nominees ay kailangang makapagsumite ng kanyang aplikasyon hanggang alas-5 ng hapon ng August 26, 2011 sa Office of the Assistant Secretary for Mindanao Affairs at Special Concerns sa DILG central office sa Quezon City.
Una rito ay 40 applications at nominations na para lamang sa posisyon ng ARMM governor ang natanggap ng DILG.
Ani Robredo, na siya ring miyembro ng ARMM screening committee, upang maging kuwalipikado ang aplikante o nominees ay dapat may pinatunayan ng kakayahan sa pamamahala at may integridad. Ang screening committee ang pipili at magrerekomenda ng mga kuwalipikadong OIC sa rehiyon.
Ilalathala sa mga pahayagan ang bahagi ng selection process at mga pangalan ng aplikante bago mag-August 31.
Idaraos naman ng screening commitee ang pag-asses sa lahat ng kandidato sa September 1-11, bago maglalabas ng maiksing listahan para sa potensiyal na 3 kandidato sa bawat posisyon na isasalang naman sa media interview para mahusgahan ng publiko.
- Latest
- Trending