P8.2-B scam sa kuryente ibinunyag ng AGAP
MANILA, Philippines - May nagaganap umanong “scam” sa singil sa kuryente na umaabot sa P8.2 bilyon kada-taon na kinokolekta sa siyam na milyong household consumer sa mga probinsiya at lalawigan.
Sinabi ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Rep. Nicanor “Nick” Briones na natuklasan ng kanyang grupo na nangongolekta umano ng 23 centavos kada kilowatt hour ang may 108 electric cooperative sa bawat customer nila bilang ‘Members Contribution to Capital Expenditures (MCC)’.
“Malinaw na scam ito dahil hindi alam ng publiko, napakataas na nga ng singil sa kuryente ay kinukuryente pa at pinapatawan ng dagdag ng singil ang mga consumer na siyang lalong nagpapahahirap sa milyun-milyong Pilipino sa bansa,” ani Briones.
Nabatid ng AGAP na ang may 108 electric coop ay hindi rin umano rehistrado sa Cooperative Development Authority (CDA) kabilang na ang Batangas Electric Cooperative Inc. (BATALEC II) na pawang nasa ilalim ng superbisyon ng National Electric Authority (NEA).
Sumulat na si Briones at lima pang congressman sa chairman ng Committee on Appropriation sa Kongreso para pigilan, huwag bigyan ng budget ang tanggapan ng Department of Energy, Energy Regulation Commission at NEA hanggat hindi naipapatigil ang idinadagdag na singil sa kuryente.
- Latest
- Trending