MANILA, Philippines - Pinabulaanan kahapon ni Bureau of Customs (BoC) Deputy Commissioner for Assessment and Operations Gregorio Chavez ang mga akusasyon na nag-uugnay sa kanya sa pagkawala ng 2,000 containers nang highly taxable goods papuntang Port of Batangas noong unang buwan ng taon.
Ayon kay Chavez, ang akusasyon laban sa kanya ay bahagi ng isang “well-funded smear campaign” ng mga taong hinahabol ng Run After the Smugglers (RATS) program na kanyang pinamumunuan bilang director.
Unang inakusahan ni Mindoro Rep. Reynaldo Umali si Chavez at Deputy Commissioner Estela Sales ng Bureau of Internal Revenue (BIR) bilang protektor ng isang Elvinario “Boy” Valenzuela, na umano’y sangkot sa paglilihis ng kontrobersiyal na 1,910 container vans.
Aniya, hindi niya kilala ang sinumang “Boy Valenzuela” at hindi niya maaring protektahan ang hindi niya kilala.
Binigyan diin pa na ang kanyang posisyon bilang customs deputy commissioner for assessment and operations coordinating group at pinuno ng RATS program, ay gumagawa lamang ng mga polisiya at walang direktang kontak sa mga importers. Bilang pinuno aniya ng RATS, nakakatanggap siya ng mga pananakot sa pamamagitan ng text messages mula sa mga taong hindi niya kilala at mga hinihinalang sangkot sa kampanya na ginagawa ng RATS.