MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni Senador Manny Villar sa mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkamatay ng isang Cebuana sa Kuwait.
Sa kanyang pormal na liham kay DFA Sec. Albert del Rosario, hiniling ni Villar sa ahensya na imbestigahan ang sanhi ng kamatayan ni Juvy Montesoso na tubong Talisay, Cebu upang mawala ang mga pagdududa sa tunay na nangyari kay Juvy sa Kuwait.
“Sa ngayon, nasa Kuwait pa rin ang mga labi ni Juvy at anumang hakbang na dapat gawin ng ahensya upang mapabilis ang pagpapauwi sa kanyang bangkay sa Cebu ay ipinagpapasalamat ko na ngayon pa lang,” ayon kay Villar sa kanyang sulat kay Sec. del Rosario.
Nalaman ni Villar ang kaso ni Juvy noong nakaraang linggo habang siya ay dumadalo sa Global CSR Summit sa Cebu. Personal na nagkita si Villar at ang kapatid ni Juvy na si Rochelle.
Nag-umpisang magtrabaho si Juvy sa Kuwait bilang domestic helper noong 2008. Naglingkod siya bilang receptionist sa Fintas Hotel. Noong nakaraang linggo, natanggap ng pamilya ni Juvy sa Cebu ang masamang balita na ito ay binawian ng buhay. Ayon sa ulat, noong Agosto 5 ng umaga, tumalon si Juvy mula sa ika-walong palapag ng tirahan ng kanyang nobyong US military member.
“Hindi po kami naniniwala na magpapakamatay siya. Nagpadala pa siya ng pera para sa anak niya at nag-usap pa kami nung gabi,” ani Rochelle.
Kaugnay nito, siniguro ni Villar sa pamilya ni Juvy na gagawin nito ang lahat ng kanyang makakaya upang maiuwi sa Pinas ang mga labi ng biktima. Nangako din si Villar ng tulong para maitaguyod ang pag-aaral ng anim na taong gulang anak na babae ni Juvy.