MANILA, Philippines - Nagkakaubusan na ng donasyong dugo sa Philippine Center for Blood at National Red Cross kaya nagbigay na ng direktiba ang Philippine National Police (PNP) sa mga pulis na mag-donate ng dugo upang makatulong sa mga biktima ng sakit na dengue.
Ayon kay PNP Chief Officer in Charge P/Deputy Director Gen. Nicanor Bartolome, lahat ng pulis na kuwalipikado ay inatasan nilang mag-donate ng dugo sa gitna na rin ng lumalalang kaso ng dengue sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“I have initially directed the Directorate for Police Community Relations Group (DPCRG) to schedule blood donation activities so that we can also help the Department of Health and other concerned agencies in this problem,” ani Bartolome.
Sa tala ng Department of Health, umaabot na sa 45,333 ang naitalang kaso ng dengue mula Enero hanggang Agosto 6 at patuloy na tumataas. Ang dengue ay dulot ng kagat ng lamok na may virus ng aedes aegypti.
Sa Luzon ay nasa 34,652 katao na ang tinamaan ng sakit; 5,091 sa Visayas at 5,590 naman mula sa Mindanao.
Idinagdag pa ni Bartolome na prayoridad nilang magdonasyon ng dugo sa mga rehiyon na may mataas na kaso ng dengue.
Samantala patuloy rin ang monitoring sa kalusugan ng mga pulis upang matiyak na wala sa mga itong dinapuan ng dengue.