Mandatory Helmet Act 'di maipatutupad
MANILA, Philippines - Sa gitna ng araw-araw na nagaganap na aksidente sa lansangan na kinakasangkutan ng motorsiklo, hindi pa rin maipatupad ang Republic Act (RA) 10054 o Mandatory Helmet Act of 2009 dahil wala pang implementing rules and regulations (IRR) ang nasabing batas.
Ayon kay Senator Ramon Revilla Jr., awtor ng nasabing batas, nakakadismaya ang napakabagal na pagpapalabas ng IRR o alituntunin para maipatupad ang batas na mahigit isang taon at kalahati ng naipasa.
Nakasaad sa Seksyon 6 ng RA 10054 na ang Department of Transportation and Communications at mga ahensya nito tulad ng Land Transportation Office ang dapat magpalabas ng alituntunin para maipatupad ang batas.
Ang Department of Trade and Industry ang dapat mag-aapruba ng mga motocycle helmet na ipagbibili sa bansa kung saan sisiguraduhin ang kalidad ng mga ito ng Bureau of Products Standards (BPS) na ibabase sa patakaran ng United Nations Economic Commission for Europe (UNECE).
Upang hindi makalusot ang mga helmet na hindi naman kayang magbigay ng proteksiyon sa mga nagsusuot nito, lahat ng mga manufacturer at importer ng helmet ay kailangang makakuha ng PS license o ICC para sa kanilang mga produkto.
Nakasaad din sa batas na hindi lamang ang nagmo-motorsiklo ang dapat magsuot ng helmet kundi maging ang angkas nito.
- Latest
- Trending