MANILA, Philippines - Hiningi ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela ang patuloy at aktibong partisipasyon ng mga sektor na may kinalaman sa pagpigil sa pagkalat ng sakit na dengue kaakibat ang sanitasyon at pagsiguro sa kaligtasan bilang epektibong panlaban sa nakamamatay na sakit na kadalasang namamayagpag tugiwng panahon ng tag-ulan.
Ang apela na pinangunahan ni City Mayor Sherwin T. Gatchalian ay ginawa kasabay ng anti-dengue summit na may temang ‘Sa Sama-Samang Pagkilos ng mga Valenzuelano, Dengue Matetepok!” sa Valenzuela City Social Hall na dinaluhan ng city health officials, health workers, mga miyembro at opisyal ng homeowner’s associations, barangay, city officials, mga miyembro ng education sector para talakayin ang anti-Dengue measures.
Nanindigan si Mayor WIN na walang absolute solution sa laban sa dengue pero sinabi nitong “the best way is to use every available method against it – larvae trapping and regular clean-up of our communities.”
Binigyang-diin din ni city Health Officer, Dr. Jaime Exconde na ang pagdagsa ng mga participants ay patunay na ang laban sa dengue ay seryosong bagay na dapat na harapin ng lahat ng taga-lungsod ng Valenzuela.
Sinabi pa ni Dr. Exconde na sa kabila ng pagtaas ng kaso sa National Capital Region at aktibong pagkilos ng city government, mahalaga pa rin ang partisipasyon ng komunidad sa laban kontra dengue.
“Pinapaalalahanan namin ang lahat na magpakonsulta kaagad kapag nakaramdam ng ano mang sintomas ng dengue, o sino man sa ating pamilya. Karamihan sa mga malalalang kaso ng dengue ay dahilan sa huli na bago sila na-diagnose dahil ipinagsawalang bahala ang nararamdaman,” apela pa rin ni Mayor WIN.