MANILA, Philippines - Nililinis na at inihahanda na ng pamunuan ng Quirino Memorial Medical Center ang basketball court na gagamitin na ring pansamantalang pedia ward ng ospital para paglagyan ng mga pasyente na patuloy na dumarami dahil sa sakit na dengue.
Ayon kay Ligaya Lora, assistant chief nurse ng QMMC, 249 na bata na ngayon ang nagsisiksikan sa pedia ward ng pagamutan at ang 104 dito ay pawang tinamaan ng dengue.
Ani Lora, covered court naman ang kanilang basketball court at nagamit na nila ito matapos ang pananalasa ng bagyong Ondoy noon.
Anya, may mga nakaantabay na rin silang folding bed na pansamantalang mahihigaan ng mga pasyente na karamihan ay mula sa Antipolo, Montalban at Marikina bukod sa mga taga QC.
Sinabi ni Lora na sa QMMC dinadala ang mga pasyente mula sa Antipolo, Montalban at Marikina dahil walang pedia ward ngayon ang Amang Rodriguez Hospital sa Marikina dahil under construction ito sa kasalukuyan.
Aminado naman si Lora na bagamat dagsa na ang kanilang mga pasyante, wala silang karapatan na tanggihan at hindi tanggapin ang mga ito.
Pinipilit na lamang aniya ng kanilang hanay na mag-overtime at humugot ng mga doctor at nurse mula sa ibang departamento para matugunan ang karamdaman ng mga ito.
Kung saka-sakali aniyang lolobo pa rin ang bilang ng mga pasyante, maari silang kumuha ng mga contractual nurse gaya noong nangyari matapos ang pananalasa ng Ondoy sa bansa.