MANILA, Philippines - Isinusulong ni Bulacan Rep. Linabelle Ruth Villarica na palawigin pa ang panunungkulan ng mga senior citizen mula sa mandatory age na 65 hanggang 70 taong gulang.
Sa House Bill 4965, layon nito na pakinabangan pa ang kaalaman ng mga senior citizen sa mas mahaba pang panahon, bukod pa sa magbibigay ito ng panahon na makapaghanda sa pagreretiro ang mga kawani at makatanggap ng kanilang benepisyo sa maagang panahon.
Aamyendahan ng panukala ni Villarica ang Section 13 ng Republic Act 8291, o Government Service Insurance System (GSIS) Act of 1997, hinggil sa kabayarang salapi na katumbas ng 18 buwan ng kanilang basic monthly pension kasama na ang buwanang pensyon habang buhay. Samantalang sa bahagi ng mga kawani, makikinabang sila sa mga benepisyo sa patuloy na pagtatrabaho at makakapagretiro sa panahong kaya na nilang magsarili.
Ayon kay Villarica, sa ilalim ng panukala, ang isang kawani ay dapat na may 15 taong paglilingkod sa pamahalaan batay sa isinasaad sa umiiral na regulasyon ng serbisyo sibil.
“Malaki ang naitulong ng mga napapanahong medisina at mga programang pangkalusugan upang mapahaba ang kakayahan ng mga may edad na Pilipino, na lalampas pa ng 70 taong gulang lalo na ang mga trabahong di-gaanong mabibigat. Ayon sa pag-aaral na isinagawa ni Dr. Ray Fair ng Yale University, napatunayan niyang hindi nagkakalayo ang kakayahan ng mga nag-eedad na 70 sa nag-eedad ng 45 taong gulang sa kanilang mga pagkilos, kaya’t tanggap ng lipunan na malaki pa rin ang pakinabang sa mga may-edad na, lalo pa kung maganda ang kanilang kalusugan at pangangatawan,” dagdag pa ni Villarica.
Sa kasalukuyan, ang mandatory retirement age ng GSIS sa mga kawani ay 65 taong gulang at ang compulsory requirement naman ay tinataya ng pamahalaan kung sa kanilang palagay ay wala na itong kakayahang makapaglingkod sa gobyerno dahil sa karamdaman samantalang ang optional retirement naman para sa mga kawani ay kapag nakapaglingkod na ito ng minimum na taong ipinaglingkod sa pamahalaan.