US warship na binili ng Pinas dumating na
MANILA, Philippines - Dumating na sa bansa kahapon ang Hamilton US warship na segunda manong nabili sa Estados Unidos ng pamahalaan ng Pilipinas para magamit sa pagpapalakas pa ng pagpapatrulya sa 200 miles Exclusive Economic Zone (EEZ) ng teritoryo ng karagatang nasasakupan ng bansa.
Ayon kay Phil. Navy Spokesman Lt. Col. Omar Tonsay, dakong ala-1 ng hapon nitong Miyerkules ng pumasok na sa teritoryo ng West Philippine Sea ang Hamilton Class warship na pinangalanang BRP Gregorio del Pilar (PF-15) na dating pag-aari ng US Coast Guard.
Ang nasabing barko ay nailipat sa pag-aari ng Philippine Navy noong Mayo 13, 2011 sa turnover ceremony sa San Franciso, California, USA. Naglayag ito sa Pacific Ocean sa loob ng tatlong linggo patungong Pilipinas.
Nabatid kay Tonsay na ang BRP del Pilar ay nabili ng pamahalaan sa Amerika sa halagang P450 milyon o US$13.18-M sa ilalim ng Excess Defense Articles (EDA) program. Ang ipinambili nito ay mula sa Malampaya Project sa Palawan.
Ang 378 talampakang haba ng barkong BRP del Pilar ay ang ikalawang pinakamalaking warship ng Philippine Navy.
Ang nag-iisang malaking warship ng Navy na BRP Rajah Humabon na idineploy sa pinag-aagawang Spratly Island ay noon pang World War II.
Inaasahang dadaong sa Manila Bay ang naturang warship dakong alas-8 ng umaga sa Agosto 21 na minamando ng 13 officers at 82 Enlisted Personnel ng Phil. Navy sa ilalim ng Command ni Captain Alberto Cruz.
- Latest
- Trending