Air Force handang ilikas ang OFWs sa Syria
MANILA, Philippines - Nakahanda na ang Philippine Air Force (PAF) para gamitin ang C-130 plane nito sa paglilikas ng mga Pinoy workers na naiipit sa kaguluhan sa bansang Syria.
“We are ready to repatriate OFWs in Syria,” ani PAF Spokesman Lt. Col. Miguel Ernesto Okol kung saan naghihintay lamang sila ng “go” signal o kautusan mula kay Pangulong Aquino bago ito isagawa.
Ang nasabing eroplano ay may kapasidad na 100 katao sa kada biyahe. Nasa 17,000 ang OFWs sa Syria na karamihan ay mga domestic helper.
Sinabi naman ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na hindi na dapat hintayin ng mga OFWs na lumala pa ang sitwasyon sa Syria bago sila magdesisyong umuwi ng bansa.
Ani Lacierda, walang dapat alalahanin ang mga OFWs dahil may pondo dito ang gobyerno.
Sa ulat ng Embahada, maraming OFWs ang nananatiling nasa loob ng tahanan ng kani-kanilang employer at hindi pinalalabas dahil na rin sa pangambang madisgrasya sa nagaganap na sagupaan sa pagitan ng Syrian government troops at protesters na humihiling na bumaba na sa puwesto si Syrian President Bashar al-Assad.
Ayon kay Ambassador Wilfredo Cuyugan ng Embahada sa Damascus, ilang OFWs ang nagpahayag na hirap silang makalabas dahil sarado rin ang mga pangunahing kalye na kanilang dadaanan. Rudy Andal/Joy Cantos/Ellen Fernando
- Latest
- Trending