Biktima ng bar exam bombing ginawang staff ni Pimentel
MANILA, Philippines - Kinuhang staff ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III si Raissa Laurel, ang law student mula sa San Sebastian College na naputulan ng dalawang binti sa madugong bar exam bombing noong Setyembre 26, 2010.
Ayon kay Laurel, magta-trabaho siya bilang kasapi ng legal research team ni Pimentel at tutulong din sa pag-draft ng mga panulakang batas at resolusyon para sa bagong senador.
Kasama si Laurel sa mga dumalo sa misang idinaos kahapon sa tanggapan ni Pimentel sa Senado na dating inookopahan ni dating senator Juan Miguel Zubiri.
Nagsimula kahapon ang trabaho ni Pimentel bilang senador matapos ang apat na taong election protest na natapos ng magbitiw sa kaniyang posisyon si Zubiri at iurong ang kaniyang counter-protest.
Dumating na rin kahapon ang pinakaaasam ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel Jr., na masimulan ang trabaho bilang senador matapos maiproklamang pinakabagong senador ng 15th Congress.
Naging tampok kahapon sa pagbubukas ng sesyon ang panunumpa ni Pimentel sa harap ni Senate President Juan Ponce Enrile bagaman at nanumpa na ito bilang senador sa Mati, Davao Oriental.
Bago ang roll call, pinanumpa muli si Pimentel kasama ang kaniyang pamilya sa pangunguna ng asawang si Jewel at amang si dating senator Aquilino “Nene” Pimentel Jr.
Samantala, sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile na nagpahayag ng intensiyon si Pimentel na sumali sa majority block.
- Latest
- Trending