MANILA, Philippines - Para maprotektahan ang kanyang kaalyado sa Kamara, pinatatanggalan na ng kapangyarihan ni House Minority leader Edcel Lagman ang Department of Justice kaugnay sa pag iisyu ng Hold Departure Order sa sinumang indibidwal.
Sa ilalim ng House bill 51111 ni Lagman, nais nitong palimitahan na lang sa korte ang pag iisyu ng HDO at hindi sa DOJ.
Kailangan muna umanong i-apply ng DOJ sa Korte ang anumang desisyon nito na isailalim sa HDO ang isang indibidwal na nahaharap sa mabibigat na kaso.
Inihalimbawa ni Lagman ang mag asawang dating Pangulong Gloria at Mike Arroyo na ngayon ay inilagay sa Watchlist Order ng Bureau of Immigration (BI) matapos iutos ni Justice Secretary Leila de Lima.
Katiwaran ng Kongresista, unfair ang ganitong patakaran dahil nilalabag nito ang right to travel at mistulang napapabilang sa listahan ng kriminal ang nasa watchlist order.
Kadalasan din umano ay tinatanggalan ng karapatan ang isang inaakusahan pa lamang sa kaso at nakakaranas ng diskriminasyon at kawalan ng kalayaan sa kanilang karapatang bumiyahe.