MANILA, Philippines - Ibinulgar kahapon ni Agap Partylist Representative Nicanor Briones Jr., na “over pricing” na ang ibinebentang karneng baboy sa halagang P170-180 sa mga pamilihan.
Sa ginanap na pulong balitaan sa Tinapayan sa Dapitan, dapat ay ibinebenta na lamang sa P150 kada kilo ang presyo ng karneng baboy ngayon sa mga pamilihan dahil bumaba na ang “farm gate’ price nito.
Ayon kay Briones, kuwentado na niya ang presyo kada kilo ng baboy sa farm gate na umaabot lamang ng P90 kung saan dadagdagan ng P60 upang makasama na ang gastos sa transportasyon, upa sa puwesto.
Ang pagbaba umano ng presyo ng baboy ay sanhi ng “over supply” ng karneng baboy sa lokal na pamilihan dahil sa napakalaking bulto ng mga “puslit” na baboy na ipinapasok sa bansa at ibinebenta rin bilang mga “frozen” sa mga pamilihan.
Kasabay nito, nagbabala rin si Briones sa publiko sa pagbili ng mga “frozen” na karne dahil ang mga ito ay madaling kapitan ng mga bakterya.
Sanhi nito, dapat umanong pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang pagpasok ng mga “frozen meat” sa mga pamilihan.
Sinabi din ni Briones,na kinatawan mula sa sektor ng agrikultura na malaki ang epekto sa sektor ng hogs and poultry ang pagpasok ng mga “imported” na karne sa bansa.
Sa kanilang samahan mayroon silang kasunduan na hindi nila ibebenta sa pamilihan iyong mga baboy na may mga sakit.