Aug. 23 hostage survivors nais makausap si PNoy
MANILA, Philippines - Hiniling ng mga survivors at pamilya ng mga biktima ng naganap na August 23 hostage crisis ang magkaroon ng pagkakataon na makausap ng personal ang Pangulong Benigno Aquino III.
Ang nabanggit na panawagan ay isinagawa sa harap na rin ng kahilingan ng mga ito na mabigyan ng kaukulang kompensasyon ng Philippine government dahil sa pangyayari.
Maaalala na sa naturang insidente, walong Hong Kong tourists ang nasawi matapos mapatay ng hostage-taker na si dating police officer Rolando Mendoza.
Umani rin noon ng pagbatikos ang gobyerno ng Pilipinas dahil sa sinasabing palpak na paghawak ng mga kinauukulan sa hostage crisis.
Nitong nakaraang linggo, dumulog na sa legal aid department ng Hong Kong ang mga survivors para hilingin sa Hong Kong government ang tulong para maisulong ang kanilang demand laban sa Pilipinas.
Ayon sa mga biktima na sina Chan Kwok-chu at Yik Siu-ling, balak rin nilang magtungo sa Pilipinas ngayong buwan para iparating sa mga Filipino officials ang kanilang demand.
Ang 46-anyos na si Chan ay nagtamo ng tama ng bala sa kaniyang kanang kamay na nagdulot ng pagkaparalisa nito, habang si Yik naman ay nagtamo ng injury sa kaniyang panga matapos tamaan din ng bala. (Rudy Andal/Ellen Fernando)
- Latest
- Trending