MANILA, Philippines - Umabot sa 58 biktima ng human trafficking kabilang ang 41 kababaihan ang na-rescue ng mga operatiba ng Philippine Center for Transnational Crimes (PCTC) sa magkahiwalay na operasyon sa Ipil, Zamboanga Sibugay at Bongao, Tawi-Tawi noong Hunyo.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo ang mga nailigtas ay pawang biktima ng illegal recruitment na pinangakuan ng trabaho sa mga bansang Malaysia, Brunei, Singapore, Jordan, Lebanon at Quatar.
Sa ulat ni PCTC executive director Felizardo Serapio Jr., kay Robredo, 15 mga kababaihan ang kanilang nailigtas sa Ipil noong June 22 habang ang 26 na kababaihan at 17 kalalakihan, kabilang ang tatlong menor na kabataan ang nailigtas naman noong June 17.
Dahil dito sinabi ni Sec. Robredo, malinaw na patuloy ang operasyon ng sindikato ng human trafficking sa bansa sa kabila ng umiiral na batas kaugnay sa RA 9208 o anti human trafficking act.
Sinasabing pangunahing target ng mga human trafficking syndicates ang mga kababaihan na may edad na 13 hanggang 30 mula sa mahihirap na pamilya na pangangakuan nila ng walang katiyakang trabaho sa ibang bansa.
Matapos maipadala sa ibang bansa, babagsak ang mga kababaihang recruit sa mga bar na kaakibat ang commercial sex exploitation - malalantad sa sakit o sexually transmitted o iba pang nakakahawang sakit, hahantong sa pambubogbog, sexual abuse at kahihiyan.