MANILA, Philippines - Sugatan ang tatlong kababaihan na kinabibilangan ng manager ng isang manpower agency, matapos na saksakin ng isang security guard na tumangay sa kanilang cellphone sa Mandaluyong City kahapon ng umaga.
Nilalapatan ng lunas sa Mandaluyong City Medical Center (MCMC) ang mga biktima na nakilalang sina Jennifer Oliveros, 42, manager ng Earthlings Manpower Services; Cherry Lou Villa, secretary ni Oliveros; at si Gina Barasi, 31, tubong Bohol, na nag-aaplay lamang bilang kasambahay.
Arestado naman ng mga miyembro ng Bantay Bayan ang suspek na si Joeden Valeriano, 24, security guard ng Colonial Security Services at residente ng 1438 Corregidor, Guadalupe Nuevo, Makati City.
Sa imbestigasyon ni SPO4 Reyminigildo Suarez, ng Mandaluyong City Police, nabatid na dakong alas 9:00 ng umaga nang maganap ang krimen sa loob ng Earthlings Manpower Services na matatagpuan sa 509 Talia Building, Sto. Rosario St., Barangay Plainview, Mandaluyong City.
Nauna rito, dumating umano ang suspek sa naturang manpower agency at sinabing mayroon itong dalawang aplikante bilang kasambahay na mula sa Bulacan at nais na mag-aplay.
Dahil pamilyar at dati ay nagpasok na rin umano ng aplikante sa kanilang ahensiya, panatag ang loob na pinapasok ng mga biktima ang suspek sa opisina upang doon na lamang hintayin ang dalawang aplikanteng sinasabi nito.
Inalok pa umano nila ng kape ang suspek, ngunit makalipas ang ilang minuto ay bigla na lamang itong nagbunot ng isang ‘kris blade,’ na may 10 pulgada ang haba at nakalagay sa kaniyang bag at sinaksak sina Oliveros at Villa. Nadamay din naman si Barasi, na nag-aaplay lamang bilang kasambahay.
Nang makitang sugatan na ang tatlo ay saka nito pinagkukuha ang mga cellphone ng mga biktima at mabilis na tumakas.
Ang mga biktima ay nagtamo ng tig-tatlong malalim na saksak sa kanilang tagiliran.
Kahit sugatan nagawa pang magsisigaw ni Oliveros na nakatawag ng pansin sa mga miyembro ng Bantay Bayan na siyang nakasabat sa papatakas na suspek.
Aminado naman ang suspek sa ginawang krimen at sinisi ang kaniyang ina sa kaniyang nagawa dahil masyado na umano siyang nape-pressure sa palagiang panghihingi nito sa kaniya ng pera.