Bartolome top choice para PNP Chief
MANILA, Philippines - Ilang linggo bago ang pormal na pagreretiro ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo, maugong ang usapan na si Deputy Director General Nicanor Bartolome ang top contender para maging susunod na hepe ng pambansang pulisya.
Si Bacalzo, produkto ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1977 ay nakatakdang magretiro sa darating na Setyembre 15, pagsapit ng mandatory age retirement na 56 anyos.
Si Bartolome, number 4 man ng PNP bilang Chief Directorial Staff ay miyembro ng PMA Class 1980 at tubong Gerona, Tarlac mula sa balwarteng lalawigan ni Pangulong Aquino na sinasabing isa sa mga alas nito sa isyu ng ‘thrust and confidence’ para mahirang sa puwesto.
Bagaman ikinokonsidera rin ang mistah ni Bacalzo na si Deputy Director Gen. Benjamin Belarmino, PNP Deputy Chief for Administration o no. 2 man, ay magreretiro na ito sa Pebrero ng susunod na taon at magiging maikli ang panunungkulan kung ito ang ilalagay sa posisyon.
Sa status naman ng no. 3 man na si Deputy Director General Raul Castaneda, Deputy Chief of Operations, ay mula ito sa PMA Class 1978 kung saan adopted si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bilang honorary member na ayon sa sources ay siyang dahilan kaya malabong masungkit ng opisyal ang puwesto.
Kabilang pa sa mga contender sa PNP Chief sina National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Alan Purisima at ang bumabango na rin ang pangalan na si PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief P/Director Samuel Pagdilao.
- Latest
- Trending