'Zero Cavity' sa mga mag-aaral target
MANILA, Philippines - Target ngayon ng Department of Education (DepEd), sa pakikipagtulungan ng Colgate Palmolive Philippines (CPPI), ang pagkakaroon ng ‘zero cavity’ sa hanay ng mga mag-aaral sa bansa.
Sa unang salvo ng ‘Zero Cavity Mission Project’ ng DepEd, makikinabang sa proyekto ang mga Grade 1 pupils mula sa may 50 piling public elementary schools sa buong bansa na makakakuha ng ‘preventive at curative dental services’ sa ilalim ng programa.
Layunin ng naturang proyekto na masolusyunan ang pagkakaroon ng mataas na bilang ng mga mag-aaral na may oral health problems o sira ang mga ngipin.
Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, alinsunod sa naturang programa, isang fully-equipped dental van na kaloob ng CPPI ang maghahatid ng dental supplies at services sa mga paaralan sa loob ng tatlong taon simula ngayong Agosto.
Ipinaliwanag ni Luistro na isa ang pananakit ng ngipin sa mga pangunahing sanhi kung bakit maraming mga bata ang madalas na mag-absent na nauuwi pa sa pagda-drop out ng mga ito sa klase.
Sa data ng Nationwide Oral Health Survey (NOHS) ng DepEd, lumilitaw na 97 porsiyento ng mga mag-aaral na may edad na anim na taon ay may poor dental habits, na nagreresulta sa pagkakaroon ng mga ito ng tooth decay, na nagiging sanhi naman ng pagkakaroon ng mga ito ng learning difficulty o hirap matuto sa kanilang asignatura.
- Latest
- Trending