MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ni Tourism Secretary Albert Lim ang kanyang pagbibitiw sa puwesto epektibo sa Agosto 31, 2011.
Si Sec. Lim ang ikalawang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Aquino na nagbitiw sa kanyang administrasyon. Unang nagbitiw si Transportation Sec. Jose de Jesus.
Sa kanyang pahayag, inamin ni Lim na nasaktan siya sa mga usapang isa siya sa sakit ng ulo ni Aquino.
Magugunita na sinabi noon ni Pangulong Aquino na mayroong 2-3 Gabinete niya ang nagsisilbing ‘sakit ng ulo’ nito na umano’y kabilang si Lim.
Pero itinanggi naman ni Lim na isa siya sa nagpapasakit ng ulo ng Pangulo at wala raw kinalaman dito ang kanyang pagbibitiw kundi personal ang dahilan.
Aniya, nagbitiw siya bilang DOT head dahil palagi siyang nalalayo sa kanyang pamilya kaya minabuti niyang mag-resign upang magkaroon siya ng oras sa kanyang pamilya.
Itinuturing na pinakamalaking kapalpakan sa termino ni Lim ang sablay na DOT logo ng Pilipinass Kay Ganda campaign na sinasabing kinopya lang ang disenyo sa ibang bansa at ang hostage-taking sa Luneta na ikinamatay ng walong turista.
May ugong na ang posibleng pumalit kay Lim sa DOT ay ang kaibigan ng Pangulo na si Mon Jimenez na siyang nasa likod ng ‘sangandaan series’ noong kampanya.
Bukod kay Jimenez, umugong din na posibleng ilagay din ng Pangulo ang kanyang kapartido sa Liberal Party na si dating Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon.