MANILA, Philippines - Gaya ng inaasahan, hindi nagpakita kahapon si dating First Gentleman Mike Arroyo sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa maanomalyang pagbebenta ng helikopter sa Philippine National Police na pinalabas na brand new kahit second hand.
Isang sulat ang ipinadala kahapon ng abogado ni Arroyo sa komite na si Atty. Inocencio Ferrer Jr., kung saan ipinaaalam nito na hindi makakarating ang dating unang ginoo dahil sa kaniyang karamdaman sa puso.
Maging ang accountant ni Arroyo sa LTA na si Rowena del Rosario ay hindi sumipot sa pagdinig.
Samantala, lumutang kahapon ang isang testigo na nagsabing ang kompanyang pag-aari ng mga Arroyo na Lourdes Tuazon Arroyo (LTA) Inc. ang nagbayad sa limang helicopters na ang dalawa ay ibinenta bilang brand new sa PNP.
Humarap si Rene Sia, general manager ng Lion Air at sinabi nito na may mga dokumento silang magpapatunay na mismong ang LTA na may tanggapan sa Makati ang nagdeposito ng $500,000 downpayment para sa R44 Raven I helicopters sa pamamagitan ng wire transfer mula sa Banco de Oro noong Disyembre 11, 2003.
Inutusan din umano ng LTA ang presidente ng Lion Air na si Archibald Po na magbukas ng isang account sa Union Bank sa Richville, Alabang branch upang doon ideposito ang karagdagang bayad para sa mga helicopters na ipinangalan sa Lion Air. Ang kabuuang deposito umano ay $1,565, 350.