Watchlist kay CGMA posibleng bawiin
MANILA, Philippines - Maari pang bawiin pansamantala ng Department of Justice (DOJ) ang immigration watchlist order (WLO) na ipinalabas laban sa dating Pangulo at ngayon ay Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal Arroyo kung mabeberipika ang kasalukuyang kondisyon ng kalusugan ni GMA at kung magtatagal ito sa pagamutan.
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na kokonsultahin niya si Chief State Counsel Ricardo Paras III at ang National Prosecution Service (NPS) hinggil dito.
“We have to check the real condition din based on the bulletins, the medical bulletins, being given by the hospital authorities. So tingnan natin ano magiging announcement nila on that, kung matatagalan ba, kasi kung a few days lang, I would rather na hindi ko yan bawiin,” ani de Lima.
“Pero kung medyo matatagalan pa and the exact condition of the former president is verified, then I can withdraw that muna. We’re open to that but I don’t know kung talagang gagawin ko yun na i-withdraw ko na muna and i-reissue in due time,” anang kalihim.
Ipinalabas ang WLO na magtatagal ng 60-araw noong Agosto 9, kung kailan muling isinugod sa pagamutan ang dating pangulo dahil sa pagkakaroon ng “very rare” spinal infection.
Habang nasa ilalim ng WLO, hindi maaaring makalabas ng bansa ang dating pangulo nang hindi humihingi ng permiso mula sa DOJ.
Nasa ilalim na rin ng WLO ang asawa nitong si Mike dahil sa umano’y pagkakasangkot sa pagbebenta ng dalawang second hand na helicopter sa presyong brand new sa PNP noong 2009.
Una na ring sinabi ni de Lima na pinag-aaralan nilang isailalim na rin sa WLO si Ang Galing Pinoy party-list Rep. Mikey Arroyo at asawa nitong si Ma. Angela na nahaharap naman sa kasong tax evasion sa DOJ.
- Latest
- Trending