MANILA, Philippines - Inakusahan ni poll fraud whistleblower Police Sr. Supt. Rafael Santiago Jr. si Zambales Gov. Hermogenes Ebdane Jr. ng paggamit sa kanyang mga “pinagkakatiwalaang tauhan” sa iligal na pagmimina sa nasabing lalawigan at nagmanipula ng resulta ng 2004 elections na pumabor kay dating Pangulong Gloria Arroyo.
Sa text message na ipinadala sa mga mamamahayag, sinabi ni Santiago na batid umano ni National Capital Regional Police Office chief Dir. Alan Purisima ang plano ng kanyang among si Ebdane na guluhin ang halalan noong 2004. Ayon kay Santiago, si Purisima ang pinaka pinagkakatiwalaang tauhan sa Police Anti Crime Emergency Response (Pacer) at National Anti-Kidnapping Task Force (Naktaf).
Aniya, may mga pagkakataong si Ebdane ay mag-oopisina sa tanggapan ng Pacer para sa mga sensitibo at highly classified missions.
Ginagamit din umano ni Ebdane ang kanyang mga dating operatiba sa Naktaf upang sirain siya at iba pang whistle blower.