MANILA, Philippines - Maging ang mga ospital ay ginagawa na ring pawnshop o sanglaan kapag walang naibabayad ang mga mahihirap na pasyente upang makalabas sa sandaling magaling na sila.
Ito ang ibinunyag ni Bayan Muna Rep. Teddy Casino sa ginanap na budget hearing ng Department of Health kung saan ipinakita nito kay DOH Secretary Enrique Ona ang dalawang memo mula sa PHilippine Childrens Medical Center (PCMC) na nakasaad ang isang polisiya na maaring mangolekta ng “collateral” na ibinebenta naman umano sa mga empleyado ng nasabing ospital.
Paliwanag pa ni Casino na nakagawian o practice na umano ng PCMC ang paghingi sa mahihirap na pasyente ng mga personal na gamit na maaring isangla tulad ng mobile phones at relo kapalit nang pagpapalabas sa pasyente.
Nakapaloob sa MCM No. 45 ang kautusan sa paggamit ng collateral base sa RA 9439 habang ang MCM No. 46 ay nagbibigay ng guidelines sa pagbebenta ng naturang collateral.