Pabahay para sa Ita inaprub
MANILA, Philippines - Inaprubahan na ng lupon ng National Housing Authority ang unang proyekto sa pabahay para sa mga Aeta.
Ito ang inihayag kamakailan ni Vice President at Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) Chairman Jejomar C. Binay.
Makikinabang din ang iba pang mga katutubong komunidad sa housing program for indigenous people na isang programang inaprubahan ng NHA Board na pinangunguluhan ni Binay.
Sinabi ni Binay na mabibiyayaan sa proyektong pabahay ang Tribung Ayta ng Nabuklod na ang mga miyembro ay pawang residente ng bayan ng Floridablanca sa Pampanga. Ipinahayag ng panlalawigang pamahalaan ng Pampanga ang hangarin nitong mailipat ng ibang panirahan ang 3,000 Ita na walang sariling tahanan.
Ginawa ng Bise Presidente ang pahayag sa eight leg ng Pabahay Caravan sa Laoag City, Ilocos Norte.
Sinabi ni Binay na makikipag-ugnayang mabuti ang HUDCC sa mga pamahalaang lokal para matiyak na epektibong maipapatupad ang proyektong pabahay para sa mga katutubong komunidad, empleyado ng pamahalaan at constituents.
Idinagdag niya na layunin ng Pabahay Caravan na mapalakas ang tambalan ng pambansang pamahalaan at ng pamahalaang lokal para makapagtayo ng murang pabahay at mapag-ibayo ang pagbibigay ng serbisyong pabahay sa mamamayan.
- Latest
- Trending