CGMA inilagay na sa watchlist

MANILA, Philippines - Ipinasailalim na ng Department of Justice (DOJ) sa Immigration watchlist si dating pangulo at ngayo’y Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo.

Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na matagal na sanang may order pero ipinagpaliban dahil sa “humanitarian reasons” matapos na ring sumalang sa cervical spine surgery si Congw. Arroyo.

May kinalaman ang watchlist order sa kinakaharap ni Ginang Arroyo na mga kasong plunder.

Nilinaw naman ni de Lima na ang watchlist order ay paniniguro lang na hindi basta makakaalis ng bansa ang isang tao nang walang pahintulot mula sa DOJ.

Una nang ring inilagay sa Immigration watchlist ang asawa ni Ginang Arroyo na si Mike matapos i-request ng Senado sa gitna ng pagsasangkot sa pangalan nito sa bentahan ng segunda-manong helikopter sa PNP.

Samantala, nakatakdang sumalang ngayon sa emergency surgery si Mrs. Arroyo matapos umanong mawala sa lugar ang itinanim na titanium sa leeg nito matapos ang operasyon sa kanyang gulugod sa leeg.

Show comments