'Wag mag-TNT sa World Youth Day - CBCP
MANILA, Philippines - Pinayuhan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang may 2,000 pinoy delegates na dadalo sa World Youth Day (WYD) 2011 sa Madrid, Spain, na huwag mag-defect o mag-TNT (tago-ng-tago) matapos ang mga aktibidad kasama si Pope Benedict XVI.
Ayon kay Legazpi, Albay Bishop Joel Baylon, chairman ng Episcopal Commission on Youth (ECY) ng CBCP ang kanyang paalala ay bunsod na rin ng ginawa ng ilang Pinoy delegates noong WYD 2000 sa Rome, Italy, kung saan lumabag sa bilang ng araw ng pananatili ang mga ito sa naturang bansa batay sa kanilang Schengen visas kung saan ang mga ito ay nagpaiwan para magtrabaho doon.
Dahil dito sinabi ni Bishop Baylon na magpapatupad na sila ngayon ng mas mahigpit na patakaran upang hindi maulit ang nakakahiyang pangyayari.
Kapag naulit aniya ito ay hindi malayong ma-ban ang partipasyon ng mga kabataang Pilipino, tulad na lamang ng desisyon ng mga Katolikong obispo sa Myanmar na hindi pumayag na magpadala ng mga delegado dahil marami sa mga pilgrims ang nagpa-iwan sa Sydney, Australia noong 2008.
Sa ngayon gagawin na umano ng ECY ang pagkumpiska pansamantala ng mga passports ng mahigit 400 mga delegado at ibabalik lamang sa huling araw o re-entry session sa Agosto 22 kung saan babalik na sila sa Pilipinas.?
Bagamat sa Agosto 16 pa ang simula ng WYD ang iba sa mga delegado ay aalis na ng maaga upang tumira sa kanilang mga foster homes o kaya sa simbahan sa Madrid.
Samantala may ibang delegates din ang balak na manatili muna sa Europa para mag-tour.
- Latest
- Trending