MANILA, Philippines - Bahagyang nabawasan ang mataas na presyo ng gasolina sa bansa makaraang magpatupad ng mailap na rollback ang mga kompanya ng langis bilang pagsunod umano sa dikta ng presyuhan ng internasyunal na pamilihan.
Unang nag-anunsiyo ng P1-kada litrong rollback sa presyo ng unleaded at regular na gasolina, P0.50 sentimos sa diesel at P0.75 sentimos sa kerosene ang Pilipinas Shell na epektibo dakong alas-12:01 ng hatinggabi.
Ayon kay Bobby Kanapi, tagapagsalita ng Pilipinas Shell, nagpasiya silang magtapyas ng halaga ng kanilang produkto upang sundan ang umiiral na presyo sa international market. Nabatid na bumaba ng US$3 ang kada bariles ng langis sa internasyunal na merkado.
Sumunod naman sa kaparehas ding halaga ng rollback ang Petron, Chevron at iba pang mga kompanya ng langis na naging epektibo dakong alas-6 ng umaga. Nagbaba rin ng P1 kada litro ng unleaded at premium na gasolina ang maliliit na oil players na Eastern Petroleum at Seaoil at mas mataas na P.75 kada litro pagbaba sa kanilang diesel.
Ilang mga eksperto naman ang nagbigay ng prediksiyon sa posibleng pagbaba pa ng halaga ng langis sa pandaigdigang pamilihan matapos i-downgrade ng prestihiyong ahensiya na Standard and Poor ang credit rating ng Estados Unidos at ang paglakas ng piso kontra sa dolyar.