MANILA, Philippines - Iginiit ni dating Unang Ginoo Mike Arroyo sa pagbabalik nito sa bansa kahapon mula sa kanyang medical check-up sa Hong Kong na handa na niyang ‘balikan ang mga nagpapakalat ng akusasyon laban sa kanya at kanilang pamilya.
Sinabi ni Atty. Arroyo, maliwanag ang ginagawa ng gobyerno na ginigipit ang kanilang pamilya matapos ang samu’t saring akusasyon sa kanilang pamilya.
Mariing itinanggi ni Mr. Arroyo ang akusasyon na siya ang may-ari ng ibinentang 2nd hand helicopters sa Philippine National Police (PNP).
Wika pa ni Arroyo, ang paglalagay sa kanya sa watchlist ng Bureau of Immigration ay maliwanag na harassment ng kasalukuyang gobyerno.
Sinabi pa ni Mr. Arroyo, inatasan na niya ang kanyang mga abugado na kasuhan ng perjury si Mr. Archibald Po ng Lion Air dahil sa mga kasinungalingan nitong pinagsasabi sa pagharap nito sa Senado.
“I wish to state clearly that I have no intention of avoiding accusations coming from Mr. Archibald Po... in an attempt to escape liability for criminal acts by riding on the present administration’s wave of malicious persecution against the previous administration and my family,” giit pa ni Atty. Mike.
“Let me put it of record that I do not own those subject helicopters sold to the PNP. I did not purchase the helicopters from Mr. Po,” he said, referring to Lion Air president Archibald Po, who identified the former First Gentleman as the owner of the choppers sold as brand new to the PNP,” wika pa ni Atty. Arroyo.
Idinagdag pa ng esposo ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, pawang kasinungalingan at walang basehan ang mga pinagsasabi ni Mr. Po sa pagharap nito sa Senado.
Inakusahan din nito si Po ng naghahanap ng lusot upang maitago ang kanyang nagawang krimen sa pamamagitan ng pagdidiin sa kanya (Atty. Arroyo).
Idinagdag pa ng dating Unang Ginoo, nagpunta siya sa Hong Kong para sa kanyang medical check-up at walang katotohanan ang akusasyong nagbabalak sila ng asylum sa Portugal upang takasan ng kanilang pamilya ang mga demanda at akusasyon laban sa kanila.
Ipinaliwanag pa ni Atty. Arroyo sa kanyang arrival statement na “It is now obvious to all of us that the authorities in power have placed the highest priority in a coordinated effort, whatever it takes, to harass the previous administration for imagined transgressions.”
Aniya, takam na takam ang kasalukuyang administrasyon na pahirapan ang kanilang pamilya at gawing miserable ang kanilang buhay sa pamamagitan ng trial by publicity.
“It is sad that we are being conveniently subjected to bad publicity, instead of properly referring whatever charges that may be brought against us to the proper courts,” giit pa ng dating First gentleman.
Binatikos din niya si DOJ Sec. Leila de Lima sa paglalagay sa kanya sa watchlist na animo’y isa siyang criminal na nais tumakas.
Samantala, hinamon naman ni Sen. Teofisto Guingona ang dating Unang Ginoo na humarap ito sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa sinasabing ibinenta nitong 2nd hand choppers sa PNP.
“We are looking forward to having him at the Senate Blue Ribbon Committee hearing on Thursday (August 11) to answer allegations that he was the real owner of the second –hand helicopters sold to the Philippine National Police (PNP) at brand new prices in 2009,” sabi ni Guingona.