Brillantes 'di sasantuhin ang kamag-anak na sangkot sa dayaan sa 2004 polls
MANILA, Philippines - Tiniyak ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes na hindi niya kukunsintihin ang kanyang kamag-anak sakaling mapatunayang sangkot ito sa halalan noong 2004.
Ayon kay Brillantes, personal niyang kinausap si Atty. Roque Bello na hindi niya ito tutulungan sakaling lumabas ang ebidensiya na nagsasangkot sa kanya sa malawakang dayaan kahit ito pa ay malapit niyang kamag-anak.
“Nang magkita kami sa Comelec, sabi ko humanda ka lang. Hindi kita matutulungan kung madawit ka,” ani Brillantes.
Matatandaang kinuwestiyon kamakailan ni Sen. Alan Peter Cayetano ang kaugnayan ni Brillantes kay Bello kung saan inamin ng Comelec chief na kamag-anak niya si Bello at naging law partners niya noong 1990.
Gayunman, sinabi ni Brillantes na magiging patas ang pagdinig ng Comelec at Department of Justice sa poll fraud.
Handa rin umano siyang maalis sa komite na magsasagawa ng imbestigasyon.
“Sasali lang ako kung may findings ang committee at doon pwede ako di bumoto kung may direct bias ako. I don’t intend to participate,” dagdag pa ni Brillantes.
- Latest
- Trending