Casual employees na matagal ng naglilingkod sa gobyerno gustong bigyan ng security of tenure
MANILA, Philippines - Dininig na ng Senate Committee on Civil Service and Government Organization ang panukalang batas na naglalayong mabigyan ng security of tenure ang mga contractual employees sa mga national agencies ng gobyerno na nagsilbi na ng sunud-sunod na limang taon at sampung taon naman sa mga local government units.
Sa isinagawang pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Senator Antonio Trillanes, sinabi ni Ferdinand Gaite, presidente ng COURAGE, isang samahan ng mga government employees association, dapat na ring magkaroon ng security of tenure ang mga casual employees na matagal ng nagsisilbi sa pamahalaan.
Sinabi pa ni Gaite na may mga empleyado na umaabot na sa 30 taong nagsisilbi sa gobyerno pero casual pa rin.
Ginagarantiyahan naman umano ng Konstitusyon ang pagbibigay ng seguridad sa trabaho sa pamamagitan ng regularization.
Kaugnay nito, sinabi ni Sen. Ferdinand Marcos Jr., na isang patunay na mahalaga ang trabaho ng isang casual employee kung matagal na siya sa kaniyang posisyon.
Sinabi naman ni Sen. Gregorio Honasan na sa mga nakaraang hearing kaugnay sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, napatunayan na mas mahalaga ang experience ng isang empleyado sa kaniyang trabaho kaysa sa eligibility.
Naniniwala si Honasan na ang “length of service” ay maaari ng ipalit sa eligibility requirements.
- Latest
- Trending