MANILA, Philippines - Hindi na tatawagin sa sesyon sa Lunes ang pangalan ng nagbitiw na si dating senador Juan Miguel Zubiri.
Ayon kay Senator Franklin Drilon, naipagbigay alam na ng Senate secretary sa Senate Electoral Tribunal ang ginawang pagbibitiw ni Zubiri noong Miyerkules at walang basehan upang kasuhan ng abandonment o pagtalikod sa kaniyang trabaho ang nagbitiw na senador.
Ipinaliwanag pa ni Drilon na ang pagbibitiw ni Zubiri ay naka-address sa mga mamamayang Filipino na pinadaan lamang sa Senado at hindi maaaring tanggihan ng Senado dahil hindi naman ang mga senador ang naglagay kay Zubiri sa puwesto.
Samantala, sinabi naman ni Senator Pia Cayetano na sa mga susunod na araw ay magpapalabas na ng desisyon ang SET. Kabilang si Cayetano sa mga miyembro ng tribunal.
Kinumpirma pa ni Cayetano na base sa mga dokumento ng SET umabot sa 257,401 ang botong narekober ni Atty. Aquilino “Koko” Pimentel.
Ipinaalala pa ni Cayetano na naiproklamang panalo ng Commission on Election si Zubiri bilang ika-12 senador noong 2004 dahil sa lamang na 18,519 boto pero sa SET nakabawi na si Pimentel.