Pag-alis ni Mike A sinisiyasat na ng BI
MANILA, Philippines - Sinisiyasat na ng Bureau of Immigration ang dahilan kung bakit hindi agad nakita sa data base ng ahensiya ang pag-alis ng bansa ni dating First Gentleman Mike Arroyo.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, kahapon lang nakumpirmang umalis nga ng Pilipinas si Ginoong Arroyo noong Hulyo 31, 2011 matapos maberipika sa manipesto ng Cathay Pacific at sa boarding pass ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Gayunman, sa halip na dalawang letrang R ang inilagay sa apelyido ng dating First Gentleman ay single R lang ang ginamit at inilagay sa data base ng imigrasyon kaya aniya hindi agad nalaman na umalis ng Pilipinas ang mister ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Nagtataka naman ang kalihim kung bakit nangyari iyon gayong imposible namang hindi nakilala si FG gayung super high profile individual ang kabiyak ni Pampanga Congw. Arroyo.
Paliwanag pa ng kalihim na bagaman at nauunawaan niya na may mga nag-aayos ng papeles ng isang VIP lalo na at may karamdaman ay iimbestigahan pa rin nila kung sino ang nag-ayos ng papeles ni Ginoong Arroyo.
Samantala, atrasado na umano ang paglalagay kay dating FG sa watchlist lalo pa’t nakalabas na ito ng bansa.
Pero sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na mas mabuti na rin na ginawa ng DOJ ang nasabing hakbang matapos mapaulat na balak naman ni Arroyo na bumalik ng bansa.
- Latest
- Trending