MANILA, Philippines - Maaring makulong ng hanggang 12 taon ang mga magulang, guro, guardians at maging yaya na mananakit ng pisikal o psychological sa mga menor de edad.
Ito’y matapos na pumasa sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Kamara ang House Bill 4455 o “The Positive and Non-Violent Discipline on Children Act” na iniakda ni Bagong Henerasyon partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy.
Ayon kay Herrera-Dy na siya ring vice chairman ng House committee on welfare of children, base sa pag-aaral ng mga lokal at dayuhang dalubhasa, ang “corporal punishment” ay hindi mahusay na sandata para madisiplina ang mga kabataan dahil nagdudulot lamang ito ng pagkagalit at pagbaba ng self-esteem ng mga ito.
Sakaling mapatunayang malupit sa mga anak ang isang magulang ay mahaharap sa kasong Child Abuse na nasasaad sa Republic Act No. 7610 o may katumbas na pagkakakulong ng hanggang 12-taon.
Bukod sa mga magulang, guardians at guro ay sakop din ng nasabing panukala ang mga yaya, at kamag-anak.
Ilan sa ipagbabawal ng nasabing panukalang batas ang panununtok, paninipa, pananampal, pangungurot, pagpingot o pagputol sa buhok, pananakit gamit ang kamay at sinturon gayundin ang pagpapaluhod sa asin o bato at pag-squat na madalas mangyari sa ilang eskuwelahan.