Pagdinig sa Maguindanao massacre naudlot ulit, interpreter wala pa rin
MANILA, Philippines - Muli na namang naudlot ang pagdinig sa Maguindanao massacre case sa sala ni Quezon City Regional trial court Judge Jocelyn Reyes dahil sa hindi na naman pagsipot ng court interpreter kahapon.
Nananatiling wala kahapon si Atty. Rolando Abo, court-designated interpreter para sa mga high-profile trial dahil sa trangkaso
Sinabi ni Judge Reyes, hindi naman nagpaabiso sa kanya kahapon si Abo na hindi siya darating sa pagdinig at nakuha lamang ang impormasyon na hindi ito makakarating dahil sa pahayag ng prosekus-yon na may sakit pa ito.
Sa loob ng isang taon, si Abo lamang ang naitalagang official court interpreter para sa mga witnesses na nakakaunawa at nakakapagsalita ng Maguindanaoan.
Bunsod ng dalawang araw na pagkawala ni Abo, na-delay ang pagbasa ng demanda sa lima pang suspek sa kaso.
Binigyang diin naman ni Atty. Sigfrid Fortun, abogado ng mag-amang Andal Sr. at Andal Jr. na principal suspek sa masaker na dapat anya ay gumawa na noon pa ng paraan ang korte sa mga ganitong insidente para ‘di naaantala ang pagdinig sa kaso.
Sa kanyang panig, sinabi ni Judge Reyes na siya ay nakikipag-ugnayan na sa Office of the Muslim Affairs at ginagawa ng korte ang lahat. Hindi lamang naman anya ito ang kaso na kanyang hinahawakan.
- Latest
- Trending