P59-M tax evasion vs coffee supplier ng Pagcor
MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong tax evasion ng Bureau of Internal Revenue sa Department of Justice ang coffee dealer ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) hinggil sa P1 billion halaga ng kape ng nakaraang administrasyon.
Kinilala ni BIR Commissioner Kim Jacinto-Henares ang kinasuhan na si Carlota Cristi Manalo-Tan na may-ari ng Carmona Race Track at Promolabels Specialty Shop, bukod pa sa sinasabing mga sangay ng isang coffee chain sa mga casino ng Pagcor.
Nabatid na hindi umano nagdeklara ng tamang datos ang nasabing negosyante para sa kaniyang Income Tax Return (ITR) noong 2003 at 2004.
Sa Pagcor transactions pa lang ay umaabot na umano sa P106.96 million ang kinita nito, bukod pa sa ibang mga negosyo, ngunit ang hindi nito nabayarang buwis ay umaabot ng P59 million.
Noong 2003 ay P19 million ang dapat sanang binayaran nito, habang noong 2004 ay P39 million ang kaniyang bayarin.
Una nang nagpaliwanag si dating Pagcor chairman Efraim Genuino na kung may gastos man sa coffe supply ito ay mula 2001 hanggang June 2010.
Mali rin umano ang mga datos na ibinigay ni Pagcor Chair Cristino Naguiat Jr. sa Pangulo dahil nasa 25,000 katao ang naglalaro sa 13 Pagcor casinos kada araw o halos 2,000 players bawat branch kaya’t kung susuriing mabuti ay wala aniyang anomalya.
Ang supplier na si Carlota ay misis ng kaibigan ni Genuino na si Johnny Tan, na ayon kay Naguit ay kumita ng P700 million na walang kaukulang bidding. (Doris Franche/Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending