MANILA, Philippines - Dalawa pang superior officers ng Philippine National Police (PNP) ang sinibak kaugnay ng kontrobersyal na video ng pambababoy sa mga police trainees na nilagyan ng siling labuyo ang mga ari bilang bahagi ng hazing sa isang kampo sa Laguna noong nakaraang taon.
Ipinag-utos na ni PNP Chief Director Gen. Raul Bacalzo ang imbestigasyon laban kina Sr. Insp. Leopoldo Ferre Jr., at Senior Insp. Klinto Rex Jamorol alinsunod sa doktrina ng “command responsibility”.
Si Ferre ang commanding officer ng 1st Maneuver Company ng Regional Public Safety Battalion ng Calabarzon Police at si Jamorol ang course director ng PNP-Special Counter-Insurgency Operation Unit Training (Scout) Course 2010.
Ang mga ito ang pinuno ng mga Scout trainors na nakita sa video na napasakamay ng Commission on Human Rights (CHR) na nagpapahirap sa mga police trainees sa pamamagitan ng pagpahid ng siling labuyo sa kanilang mga ari, paglalagay ng sili sa puwet at pagpapakain ng sili habang sumasalang sa Scout Course sa Camp Eldrige, Laguna noong 2010.
Sinibak na rin sa puwesto ang 14 pulis na kinilalang sina Police Officers 1 (PO1s) Roque Oro, Rovylyn Addatu, Evan Mark Cuartero, Marfe Adier, Jhun Plonelo, Allan Pascua, Melvin Malihan, Troy Sumayod, Randy Nabayra, Jodgi Vergara, Ezel Papa, Ramil de Guzman, Arnel Yadis at Alberto Umali.
Ang mga Scout trainors na nakunan ng video ay epektibong nasibak sa puwesto umpisa noong Agosto 1 at kasalukuyang nasa ‘restrictive custody’ sa Camp Vicente Lim sa Canlubang, Laguna at nahaharap sa kasong kriminal at administratibo kaugnay ng paglabag sa anti-hazing law.
Ang iba pang pulis bagaman hindi sangkot sa hazing at pangmamaltrato sa mga police recruits pero hindi pinigilan ang insidente ay pananagutin rin sa kasong administratibo at kriminal.