Resignation ni Zubiri hindi na pagbobotohan
MANILA, Philippines - Sa kabila ng naunang pahayag ni Senate President Juan Ponce Enrile na pag-aaralan pa ang isinumiteng resignation ni Senator Juan Miguel Zubiri, nagkasundo ang mga senador na huwag ng pagbotohan ang naging hakbang ni Zubiri at igalang ang kaniyang desisyon na pagbibitiw sa puwesto.
Ayon kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, magsisilbing “precedent” lamang kung magbobotohan pa sila kaya nagkasundo ang mga senador na gawin na lamang irrevocable o hindi maaaring bawiin ang pagbibitiw ng sinumang miyembro ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Aminado si Cayetano na wala namang batas o panuntunan kahit pa sa Konstitusyon kaugnay sa pagbibitiw ng isang miyembro ng Senado lalo pa’t ang resignation ni Zubiri ang kauna-unahan sa kasaysayan ng Pilipinas.
Inihayag pa ni Cayetano na kung may senador na tatayo sa plenaryo o pormal na magsusumite ng kaniyang resignation hindi na niya maaaring bawiin ang kaniyang naging desisyon.
Ayaw anya nilang ma akusahan ng bahagi ng isang “moro-moro” kung hindi tatanggapin ang resignation ni Zubiri.
Maliwanag aniya ang ginawang pagbibitiw ni Zubiri at ang mga dahilang inilatag nito sa plenaryo.
- Latest
- Trending