MANILA, Philippines - Ipinasailalim na ni Justice Secretary Leila de Lima sa watchlist ng Bureau of Immigration ((BI) si dating First Gentleman Jose Miguel “Mike” Arroyo.
Ang desisyon ni de Lima ay bunsod na rin ng kahilingan ng Senate blue ribbon committee na ilagay sa mahigpit na pagbabantay ng immigration si Arroyo dahil sa pagkakadawit nito sa maanomalyang bentahan ng helicopters sa Philippine National Police (PNP) noong 2009.
Sakop din ng nasabing order si Rowena del Rosario, accountant ni Arroyo na sinasabing nag-isyu ng maintenance payments para sa mga choppers.
Samantala, babalik na rin umano sa bansa sa Lunes ng susunod na linggo si Arroyo, kasunod ng pagpapasailalim nito sa medical check-up sa Hong Kong.
Mismong ang dating unang ginoo ang nagkumpirma kaugnay sa petsa ng kaniyang pag-uwi ng bansa.
Una na ring inihayag ng abogado nitong si Atty. Innocencio Ferrer Jr. na ngayong araw inaasahan na matatapos na ang medical treatment sa kaniyang kliyente at kapag nabigyan na umano ito ng clearance ay agad din aniya itong babalik ng bansa.
Sa pagdinig ng Senado, tinukoy ng isang negosyante si Arroyo na umano’y dating may-ari ng naturang mga choppers na binili ng PNP sa halagang brand new.