MANILA, Philippines - Walong miyembro ng elite forces ng Philippine National Police (PNP) ang nahaharap ngayon sa kasong kriminal at administratibo matapos lagyan ng mga ito ng sili ang mga ari at puwet ng mga police recruits sa naganap na hazing sa labas ng Camp Eldridge, Laguna noong nakaraang taon.
Ito’y matapos na isapubliko ng Commission on Human Rights (CHR) ang nakalap na video ng mga miyembro ng Regional Public Safety Battalion (RPSB) habang kinukuskusan ng siling labuyo ang mga ari ng mga police recruits.
Ang mga police trainees ay humihiyaw sa matinding sakit habang ang iba pa sa mga ito ay pinalunok rin ng isang dakot ng sili bawat isa at pinaiinom ng tig-isang lagok sa isang basong tubig.
Napanood rin sa video ang mga recruits habang hubo’t hubad na nakapiring na kinukuskusan ng sili sa mga ari at puwet gamit ang isang mahabang stick habang pinagtatawanan ng RPSB members.
Bilang reaksyon, kinondena naman ng PNP ang insidente sa pagsasabing hindi nila kinukunsinti ang hazing sa hanay ng police trainees.
Kinilala ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz ang mga pulis na sabit sa hazing na isasalang sa kasong administratibo at kriminal na sina Police Officers 1 Roque Oro, Evan Mark Cuartero, Jhun Plonelo, Melvin Malihan, Rovylyn Addatu, Marfe Adler, Allan Pascue at Troy Sumayod na pawang sinibak na sa puwesto noong Agosto 1 matapos sumingaw ang nasabing kontrobersyal na hazing.