Panukalang ilipat sa Setyembre ang pasukan pinamamadali
MANILA, Philippines - Umapela na si Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla sa liderato ng Kamara na madaliin ang deliberasyon at pagpapatibay ng panukala nilang ilipat sa Setyembre hanggang Marso ang pagpasok ng mga estudyante sa eskwela mula sa kasalukuyang Hunyo hanggang Marso.
Ayon kay Mercado-Revilla, nakipag-konsultasyon na siya sa Department of Science and Technology (DOST) at kanyang napag-alaman na pinakamaraming bagyo ang pumapasok sa teritoryo ng bansa sa panahon ng pasukan.
Sa datos ng DOST, umaabot ng 17 bagyo ang nakakaapekto sa bansa mula Hunyo hanggang Marso kaya kaya kalimitan ang mga estudyante partikular ang mga elementarya at high school ay malimit na sinususpinde ang mga klase.
Giit pa ni Mercado-Revilla, wala nang pahinga ang mga mag-aaral at guro dahil kailangan palagi ng make-up classes tuwing weekend kapag nakakansela ang pasok dahil sa sama ng panahon.
Naniniwala si Mercado-Revilla na kailangan nang magkaroon ng malawakang konsultasyon tungkol sa pagbabago ng pasukan upang makuha ang pulso dito lalo na ng mga estudyante at mga magulang. (Butch Quejada/Gemma Garcia)
- Latest
- Trending