Sen. Zubiri nag-resign!
MANILA, Philippines - “Para sa pamilya, dangal at kapakanan ng bayan.”
Ito ang tinindigang mga batayan ni Sen. Juan Miguel Zubiri matapos magbitiw kahapon sa kanyang puwesto bilang senador ng Republika, na kauna-unahan sa kasaysayan ng Senado.
Kasama ang mga miyembro ng kanyang pamilya, sinabi din ni Zubiri na kahit kailan ay hindi siya nandaya para manalo sa halalan.
“Sa harap ng Diyos at sa harap ng tao ay nais kong pagtibayin na hindi ako nandaya at wala akong kinausap upang mandaya para sa akin sa halalan. Ang lahat ng akusasyon laban sa akin ay pawang walang katotohanan,” maramdaming pahayag ni Zubiri.
Ipinagmalaki pa ni Zubiri na wala umanong dungis ang kaniyang paglilingkod at kahit kailan ay hindi siya nagpayaman sa katungkulan.
“Hindi ako nagkaroon ng maraming bodyguard o “back up” o gumamit ng anumang wang-wang kahit noong ako ay kongresista pa lamang,” pahayag ni Zubiri.
Si Zubiri ang pinakabatang naging majority leader ng Senado sa edad na 39, at naging bahagi din siya sa paggawa ng may 641 batas noong 14th Congress kung saan 32 sa mga naipasang batas ng Senado ay isinulong niya kabilang na ang RA 9520 o Philippine Cooperative Code of 2008; Ra 9513 o Renewable Energy Act of 2008 at RA 9653 o ang Rent Control Act of 2009.
Ipinagmalaki rin ni Zubiri ang kaniyang kasipagan sa pagpasok at nakapagtala siya ng perfect attendance simula noong 1998 kung kailan siya naging mambabatas.
“I fulfilled my job responsibly with honestly, integrity and dignity, and I could proudly look in the eyes of every Filipino who put me in this position, that the trust and confidence they had given me were not put to naught,” ani Zubiri.
Pero hindi na umano niya maipagpapatuloy ang kaniyang trabaho at ang mga walang basehang akusasyon ang nagtulak sa kaniya para mag-resign.
“Ngunit ang lahat ng tao, ang lahat ng aking ginawa at nais pa sanang gawin para sa ating taong bayan ay hindi ko na makakayanan pang gampanan...without admitting any fault and with my vehement denial of the alledged election fraud hurled against me, I am submitting my resignation as a duly elected Senator of the Republic of the Philippines in the election for which I am falsely accused without mercy and compassion,” sabi ni Zubiri.
Nilinaw din ni Zubiri na hindi siya nagre-resign upang takasan ang anumang magiging desisyon ng Senate Electoral Tribunal.
Sinabi pa ni Zubiri na ang mga walang basehang akusasyon laban sa kaniya ay nagiging dahilan upang mahati lamang ang bansa.
Isa-isa ring pinasalamatan ni Zubiri ang mga kasamahang senador at ang mga miyembro ng kaniyang pamilya at ang lahat ng mga taong bumoto sa kaniya noong 2007 senatorial elections.
Samantala, nagpakita naman ng suporta kay Zubiri ang kaniyang pamilya na nagtungo kahapon sa Senado kabilang ang kaniyang asawang si Audrey, ina na si Vicky at amang si Jose Ma. Zubiri Jr.
Si Zubiri ay nahalal noong 2007 sa tiket ng Team Unity (TU) ng administrasyon ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Nakuha ni Zubiri ang ika-12 puwesto matapos ungusan ng may 18,000 boto si Aquilino “Koko” Pimentel III na agad namang nagsampa ng reklamo ng pandaraya umano ni Zubiri, partikular sa Mindanao.
Si Zubiri umano ang kauna-unahang senador na nagbitiw sa kaniyang tungkulin bilang senador.
Ayon kay Senate President Juan Ponce Enrile, sa 87 taon niya dito sa mundo, wala siyang maalalang senador ng Pilipinas na nagbitiw sa kaniyang tungkulin.
“Today we are witnessing the happening of the historical event...This is the first time that a man a member of this chamber chose honor ahead of himself. Bayan muna bago ang sarili,” sabi ni Enrile matapos ang talumpati kahapon ni Zubiri kung saan inihayag niya ang kaniyang pagre-resign.
Pero sinabi rin ni Enrile na bagaman at hindi niya mapipigil si Zubiri sa kaniyang naging desisyon, ikokonsulta pa rin niya sa mga miyembro ng Senado ang resignation nito.
Habang isinusulat ito ay wala pang pormal na desisyon ang Senado kaugnay sa resignation ni Zubiri.
- Latest
- Trending