MANILA, Philippines - May 34 jueteng personnel at anim na personnel naman ng iligal na sugal na loteng ang naaresto ng tropa ng Quezon City Police District (QCPD) sa serye ng pasalakay sa bolahan nito sa lungsod, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Ang pagsalakay ay bunga ng patuloy na reklamo ng mga residente sa lungsod kaugnay sa malawakang operasyon ng jueteng sa may T. Gener St., Kamuning na umano’y ang bangka ay isang Don Ramon. Habang ang loteng naman ay nag-ooperate sa may iba’t-ibang barangay dito.
Umabot sa 34 jueteng operators ang nasakote ng binuong puwersa ng QCPD na pinamumunuan Supt. Zacarias Noel B. Villegas, habang anim katao naman ang naaresto sa operasyon ng iligal na loteng.
Ganap na alas -11 ng umaga nang salakayin ng tropa ang juetengan sa may T. Gener St., harap ng Kamuning Elementary School kung saan nadakip ang mga suspect.
Nauna rito ang pagsalakay sa may loteng operation sa may iba’t-ibang lugar ay nagsimula ganap na alas-4 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.
Narekober sa mga suspect ang iba’t-ibang paraphernalia, tulad ng ticket booklet, mga ballpens, at pera na may-iba’t-ibang denominasyon.