Bagyong Lando, patuloy na banta sa Laoag City
MANILA, Philippines - Hindi pa man nawawala ang bangis sa bansa ni bagyong Kabayan, patuloy namang nagbabanta ang bagyong Lando lalo na sa Laoag City na magdudulot din ng matinding pag-ulan sa bansa.
Kahapon ng alas-11:00 ng umaga, si bagyong Lando ay nananatiling stationary sa West Philippine Sea taglay ang lakas ng hanging 45 kilometro bawat oras malapit sa gitna.
Ngayong Martes, si Lando ay nasa layong 190 kilometro ng kanluran-hilagang kanluran ng Laoag City. Sa Miyerkules ay nasa layong 160 kilometro sa hilaga ng Laoag City at 240 kilometro hilaga-hilagang silangan ng Laoag City at nasa layong 110 kilometro hilagang silangan ng Basco, Batanes
Samantala, ang bagyong Kabayan ay nananatili sa kanyang lakas at patuloy na kumikilos sa direksiyon ng hilagang kanluran. Kahapon ng alas-10:00 ng umaga, si Kabayan ay nasa layong 1,160 kilometro silangan hilagang silangan ng Aparri, Cagayan taglay ang lakas ng hanging 175 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso hanggang 210 kilometro bawat oras.
Ngayong Martes, si Kabayan ay inaasahang nasa layong 1,020 kilometro silangan-hilagang silangan ng Basco. Sa Miyerkules ay nasa layong 940 kilometro hilagang-silangan ng Basco at nasa layong 980 kilometro hilaga-hilagang silangan doon sa Huwebes o nasa layong 280 kilometro timog silangan ng Okinawa, Japan.
Bunsod ng naturang mga bagyo, patuloy na makakaranas ang bansa ng maulap na kalangitan na may mga pag-ulan laluna sa hapon o gabi.
- Latest
- Trending