MANILA, Philippines - Nabuhay na naman ang “word war” nina Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III at asawa ng pamangkin niyang si Sharon Cuneta na si Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa gitna nang naglalabasang ebidensiya sa sinasabing dayaan na nangyari noong 2004 presidential elections.
Sa isang pulong-balitaan kahapon, tahasang sinisi ni Sotto si Pangilinan na tinawag pa nitong “Mr. Noted” at iba pang mga kasama nito sa canvassing board noong 2004 presidential election dahil sa ginawa nilang pagtanggi na pabuksan kahit isa lamang sa mga ballot box na naglalaman ng hinihinalang pekeng election return.
“Lahat ng pumigil sa amin nun, yung mga kasama namin sa Senado, sina Senator Pangilinan na chairman ng canvassing boards at iba pang members ng Senado noong 12th Congress at ng House of Representatives na sina (ex) Speaker Jose De Venecia at (ex) Congressman Raul Gonzalez,” sabi ni Sotto.
Si Sotto ang tumayong campaign manager ng namayapang si Fernando Poe Jr.,
Sinabi ni Sotto na natutuwa siya dahil naglalabasan na ngayon ang mga ebidensiya pero nalulungkot din siya dahil hindi kaagad lumutang ang mga may nalalaman sa dayaan.
“I’m glad it’s coming out at the same time I am sad, nakakalungkot sapagkat nasaan sila nuong nakikipaglaban kami, nuong konti ang boses namin sa national canvassing board na naihahampas pa kami, at ina-out vote kami,” sabi ni Sotto.
Sigurado si Sotto na may mga kumausap kay Pangilinan at sa mga kasama nito sa national canvassing board.
“Siguro ang magandang panawagan sa kanila, kung ano ang nalalaman nila, kung sino man ang nakausap nila, mas maganda kung lalantad sila at sasabihin sa amin,” sabi ni Sotto.
Dapat din umanong ipagpatuloy ang imbestigasyon tungkol sa dayaan ng halalan pero hindi na umano dito dapat makisawsaw ang Senado.
Umaapela si Sotto sa executive department partikular sa Department of Justice (DOJ) at Commission on Election (COMELEC) na tapusin ang imbestigasyon sa dayaan noong 2004 presidential election.
Hindi rin pinatulan ni Sotto ang pahayag naman ni Pangilinan na wala umanong moral ascendancy ang senador tungkol sa dayaan sa eleksiyon na naging daan upang maluklok sa puwesto si Pangulong Arroyo dahil kumandidato sa ilalim ng Team Unity ng administrasyon si Sotto noong 2007 senatorial election.
Naniniwala si Sotto na inililihis lamang ang totoong isyu. Ipinaliwanag rin nito na miyembro siya ng Nationalist People’s Coalition (NPC) na nakipag-kowalisyon sa Team Unity.