MANILA, Philippines - Inutos ni Justice Secretary Leila de Lima na imbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang private firm na Mega Data Corporation na dating nagbibigay ng NBI clearance matapos umanong walang nangyaring ‘technology transfer’ sa pagitan ng kumpanya at NBI kaya ‘napilayan’ ang operasyon ng ahensiya sa biglang paglayas ng Mega noong isang buwan.
Nagtataka umano ang kalihim kung bakit kahit 32 taon nang ‘partner’ ng NBI ang Mega para sa computerization project ng ahensiya noong 1978, wala pa ring teknolohiyang nailipat sa nasabing ahensiya hanggang sa ngayon.
May anim na beses na inamyendahan ang kontrata ng Mega sa NBI, noong 1984, 1987, 1989, 1998, 2003 at 2010, na kahina-hinalang hindi man lang umano dumaan sa public bidding na taliwas din sa RA 9184 o Government Procurement Act.
Ayon pa rin sa rekord ng NBI, kabuuang P349,790,710 ang natanggap na bayad ng Mega sa pagitan ng 2006-2010, na katumbas ng na-prosesong 26,142,804 NBI clearances.
Isinasaad sa binagong kontrata noong 1998 na may ‘technology transfer’ dapat na pabor sa NBI sa pagtatapos nito batay sa probisyon ng BOT Law (build-operate-transfer) o RA 7718.
Ang kontrata naman noong 2010 ay may bisa lamang ng anim na buwan pero dalawang beses pang nabigyan ng extension hanggang Hunyo 30, 2011, dahil sa kritikal na papel ng computer sa pagproseso ng NBI clearance.
Sabi ni Gatdula, kung palalawigin niya ang kontrata sa Mega ay makakasuhan siya dahil labag aniya ito sa batas dahil sa paso na ang kontrata nila.
Kailangan ng NBI na makahanap ng maayos na “system and technology partner” na tutulong sa kanila.
Matatandaan na libo-libong aplikante para sa NBI clearance ang neperwisyo at pumila para lamang makakuha ng NBI clearance ng bigla silang iwanan ng Mega noong Hunyo 30, ng matapos ang kontrata nito.