Landmine: 4 colonel ligtas 5 sundalo sugatan
MANILA, Philippines - Apat na military colonel ang nakaligtas sa tiyak na kamatayan habang limang sundalo naman ang iniulat na nasugatan matapos masabugan ng landmine na itinanim ng mga rebeldeng New People’s Army sa bayan ng Malita, Davao del Sur kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Davao del Sur Provincial Police Office (PPO) Director P/Senior Supt. Roland de la Rosa, dakong alauna y medya ng hapon habang bumabagtas sa highway ng Barangay Ticulon ang convoy ng mga sundalo patungo sa Little Baguio, nang magulungan ng truck ang ibinaong landmine ng mga rebelde.
Kabilang sa mga sakay sa military convoy ay sina Army’s 1002nd Infantry Brigade commander Col. Glorioso Miranda; 39th Infantry Battalion commander Lt. Col. Oliver Artuz; Lt. Col. Alexis Bravo, commander ng Army’s 27th IB at si Army’s 73rd Infantry Battalion commander Lt. Col. Adolf Espuelas.
Sugatan din ang limang sundalo na sina M/Sgt. Lucio Tanio Jr., Sgt. Melchor Quimba, Pfc. Romelito Deloria, Corporal Lourdy Cabatian at si Corporal Judy Cabaya na pawang naisugod sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City.
Kinondena naman ng mga opisyal ng militar ang patuloy na paggamit ng landmine ng NPA sa isinasagawa nitong pag-atake na labag sa International Humanitarian Law.
- Latest
- Trending